KALANTIAW

ANG
PANLILINLANG

Click on flag for
GO TO ENGLISH VERSION
English version

 
Carlos Valino Jr. 1971

MGA NILALAMAN

Di-kapani-paniwalang
    Kodigo
Pinagmulan ni Kalantiaw
MgaKamalian sa Kasulatan
Sino ba si Pavón?

Pagdaragdag sa Alamat
Pinabulaanan si Kalantiaw
Buhay pa rin ang
    Kasingualingan
Pahabol
Mga Pinagsanggunian

MGA KAUGNAY NA PAHINA

Code of Kalantiaw
Povedano Calendar
Povedano Map
Presidential Decree #105

Ang Alamat ng Maragtas

UWIAN

 


A
kala ng marami na ang kuwento tungkol kay Datu Kalantiaw ay isa sa mga alamat na nilalaman ng isang napakaluma at mahiwagang kasulatan na may titulong Maragtas. Subali't, sa katotohanan, ang Maragtas ay isang libro na sinulat ni Pedro Monteclaro noong taong 1907 pa lamang. Tinipon niya sa librong ito ang mga alamat na ikinukuwento pa noon ng mga matatanda at iba pang mga kuwentong nakasulat na hindi naman lumang luma. Hindi binanggit ni Monteclaro ang pangalan ni Datu Kalantiaw sa Maragtas.

May ilang alamat sa Maragtas na matagal nang naging bahagi ng kalinangan ng Bisayas at hanggang ngayon ay pinapahalagahan pa rin ang mga ito ng maraming taga-Bisayas. Ang mga kuwento tungkol sa sampung batikang datu ay isinasalaysay na noon pa man ng maraming salinlahi at kapani-paniwala naman ang mga ito kung hindi natin bibigyan-pansin ang mga bagong dagdag sa mga alamat tulad ng mga di-umano'y “orihinal” na kasulatan at ang mga eksaktong petsa na walang pinagbatayan mula sa panahon bago dumating ang mga Espanyol sa Filipinas.

Hindi naman mahirap isaisip na nakapaglayag ang mga tao mula sa Borneo upang manirahan sa Panay noong unang panahon. Bakit hindi? Kahit wala tayong mga kasulatan na nagpapatotoo sa kasaysayan ng isang datu Sumakwel at ng kaniyang mga tauhan, may mga ebidensiya sa archaeology at sa mga banyagang sulatin na may naganap na pakikipag-ugnayan at pakikipagkalakalan ang Filipinas at mga kalapit-bansa noon.

Gayunman, naging malabo ang pagkakaiba ng mga alamat sa Maragtas sa mga katotohanan ng kasaysayan dahil sa sobrang pagkamakabayan ng may-akda at dahil sa lantad na pagsisinungaling ng mga ibang manunulat. Subalit ang mga alamat tungkol sa tanyag na Datu Kalantiaw ay hindi kabilang sa mga alamat ng Maragtas. Ang mga kuwento hinggil kay Kalantiaw ay lalong nakababagabag sapagkat si Kalantiaw ay hindi kailanman naging bahagi ng kasaysayang Filipino at hindi rin siya isang alamat. Ang kasaysayan tungkol kay Kalantiaw ay isang ganap na panlilinlang.

Ang Di-kapani-paniwalang Kodigo ni Kalantiaw

Itinuro sa mga mag-aaral sa Filipinas noong ika-20 dantaon ang malulupit at masasalimuot na batas na pinairal umano ng isang Datu Kalantiaw noong taong 1433 sa pulo ng Panay. Magkakasalungat ang marami sa kaniyang mga batas at ang kaniyang mga parusa ay mararahas. Karamihan sa mga parusa ay walang kaugnayan sa uri o bigat ng kasalanan. Ang mga paglabag sa batas na nakasaad sa Kodigo ay maaaring kasinggaan lamang ng pag-awit sa gabi hanggang sa mabigat na kasalanang tulad ng pagpatay sa tao. Ang mga nagkasala umano ay ginawang alipin, binugbog, hinagupit, binato, pinutulan ng daliri, inilantad sa mga langgam, nilunod, sinunog, pinakuluan, tinadtad, o pinakain sa mga buwaya.

Mag-klik dito upang basahin ang mga batas ni Kalantiaw.

Bakit hindi natin dapat paniwalaan ang kuwentong ito na itinuro nang maraming taon sa mga paaralan bilang bahagi ng kasaysayan ng Filipinas? May tatlong mabuting dahilan.

Ang unang dahilan ay ang kakulangan ng nakatalang ebidensiya sa kasaysayan. Walang mga sulatin o larawan na nakuha mula sa naturang panahon sa kasaysayan ng Filipinas. Wala ring mga kasulatan mula sa ibang bansa na bumanggit sa di-umano'y dakilang Kalantiaw. At wala ring katunayan o katibayan na nagkaroon ng napakalupit na batas ang kalinangang Filipino noong unang panahon. Ayon sa naitala ng mga Kastila, ang kaugalian ng mga Filipino noon ay multahan lamang ang mga nagkasala kahit gaanong kalubha ng kanilang kasalanan. May pagkakataong ginawang alipin ang isang tao kung hindi siya nakapagbayad ng utang. Ayon sa isinulat ng misyonerong si Francisco Colín noong 1663:

Sa pagpaparusa ng mga kasalanang marahas, may kahalagahan ang katayuan sa lipunan ng taong pumatay at ng taong [kaniyang] pinatay. Kung ang taong pinatay ay isang datu, lahat ng kaniyang kamag-anakan ay nakipagdigma sa taong pumatay at sa kaniyang kamag-anakan, at nanatili [sila sa] ganitong kalagayan ng digmaan hangga't walang pasiya ang mga tagapamagitan kung magkano ang halaga ng gintong dapat bayaran [bilang parusa] sa pagpapatay... Ang parusang kamatayan ay hindi ipinataw ng may kapangyarihan maliban kung ang taong pumatay at ang taong [kaniyang] pinatay ay kapwa pangkaraniwang tao, at hindi kayang bayaran ng taong pumatay ang halaga ng multang dugo. K1

Hanggang ngayon, ang mga tribo sa Filipinas na hindi sinakop ng mga Kastila ay iniaayos ang kanilang mga hidwaan sa pamamagitan ng mga tagapamagitan.

Ang pangalawang dahilan ay ang kakulangan ng ebidensiya na si Kalantiaw ay isang alamat. Ayaw tanggapin ng masusugid na tagahanga ng Datu ang mga nagsilabas na salungat na katotohanan ng kasaysayan at iginigiit pa rin nila na siya'y matagal nang naging bahagi ng kalinangan at pamanang Bisaya. Ito ay hindi totoo. Walang naitala ang mga Kastila ng anumang Filipinong alamat hinggil kay Kalantiaw. Kung sakali mang nakarating sa kanilang kaalaman ang ganitong alamat, wala silang dahilan upang sugpuin ito. Kung alam ito ng mga Espanyol na mababait sa Filipino, tiyak na itatala nila ang alamat ng Kodigo sapagkat ito ang magpapatunay na may kabihasnan ang mga sinaunang Filipino gaya ng ginagawa ng marami ngayon. Sa isang banda, iyon namang ibang nais lamang hamakin at pulaan ang lahing Filipino, kailangan lamang na ituro ang baliw na Datu bilang katunayang mabangis ang mga katutubong Filipino.

Tiyak na hindi nagkaroon ng anumang alamat tungkol kay Kalantiaw bago ng ika-20 dantaon. Ang Aklanong mananalaysay na si Digno Alba ay bata pa noong simula ng naturang siglo. Hinanap niya si Kalantiaw sa mga alamat-bayan ng Aklan noong dekadang 1950 ngunit hindi niya natagpuan ang Datu. Noong ika-5 ng Mayo, 1967 sinulatan si Alba ni William Henry Scott, isa ring mananalaysay, at itinanong niya ang sumusunod: 

Noong bata pa kayo, Don Digno, wala bang mga kuwento ang mga matanda sa Aklan tungkol kay Kalantiaw bago natuklasan ang mga sulatin ni Pavón noong 1913? Wala bang mga kilaláng alamat o kuwentong-bayan na isinalaysay ang matatanda sa kani-kanilang mga apo? 

Tinugon ito ni Alba sa isang liham mula sa Kalibo, Aklan na may petsang ika-15 ng Mayo, 1967:

Sinikap kong makuha ang mga kuwento o alamat sa mga henerasyon ng mga Aklanon na nabubuhay ngayon sa Batan... ngunit wala, kahit isang matandang lalaki, ang makapagsabi sa akin ngayon. K2

Ang pangatlo at pinakamahalagang dahilan upang tanggihan ang alamat ni Kalantiaw ay ang pinagmulan nito. Kung si Kalantiaw ay hindi isang tauhan ng kasaysayan at hindi rin isang alamat, saan ba siya nanggaling? Marami sa mga mananaysay na sumulat tungkol dito ay hindi man lamang binanggit kung saan nila nakuha ang kanilang kaalaman. Ilan, tulad ni Digno Alba, ay pumitas lamang ng mga "katotohanan" mula sa hangin. Ang totoong pinagmulan ni Kalantiaw ay natunton ni William Scott mula sa iisang tao lamang na tiyak na hindi buháy noong mga taong 1400. Siya ay si José E. Marco ng Pontevedra, Negros Occidental at noong 1913, siya ang nakatuklas umano ng mga sulatin ni Pavón na binanggit ni Scott sa kaniyang liham kay Digno Alba. Sa katotohanan, gawa-gawa at kathang-isip lamang ni Marco ang mga kasulatang ito na naglalaman ng Kodigo ni Kalantiaw. Si Kalantiaw ang naging pinakasikat na kasinungalingan ni Marco sa kaniyang halos 50 taong karera bilang isang manlilinlang.

Ang Pinagmulan ni Kalantiaw at ng mga Kasulatan ni Pavón

Ang pangalan ni Kalantiaw ay unang lumitaw noong Hulyo, 1913 sa isang sanaysay na may pamagat Civilización prehispana na nalathala sa Renacimiento Filipino. K3 Binanggit sa pitak ang 16 (hindi 18) na batas na pinairal ni Haring Kalantiaw noong 1433 at ang kuta na itinayo niya sa Gagalangin, Negros na nawasak ng lindol noong taong A.D. 435 (hindi 1435). Ang lathalain ay sinulat ni Manuel Artigas, na isang taon bago isinulat ang pitak ay siya ring may-akda ng annotation o mga paliwanag sa isang mahinang uring sanaysay na sinulat ni José Marco, ang Reseña historica de la Isla de Negros. K4

Nang sumunod na taon, 1914, lumabas ang iba pang mga detalye tungkol kay Kalantiaw nang magkaloob si José Marco ng limang kasulatan sa Philippine Library & Museum. Isa sa mga ito ay Las antiguas leyendes de la Isla de Negros na binubuo ng dalawang aklat na may pabalat na katad. K5 Ito'y sinulat umano ng isang prayle na si José María Pavón noong 1838 at 1839. Ang Kodigo ni Kalantiaw, sa kabanata 9 ng unang aklat, ay isa sa anim na kasulatan na isinalin na ang nakatalang petsa ay yaong panahon bago dumating ang mga Espanyol sa Filipinas. Ang orihinal na Kodigo ay natuklasan umano sa kamay ng isang datu sa Panay noong taong 1614. Nang sumulat si Pavon sa taong 1839, isang Don Marcelio Orfila ng Zaragoza umano ang may hawak nito. Noong 1966, hiniling ng pamahalaan ng Filipinas sa pamahalaan ng Espanya na isauli ng mga inapo ni Marcelio Orfila ang orihinal na Kodigo ni Kalantiaw subalit ayon sa Tagapamahala ng Pulisya roon, walang natagpuang anuman sa mga talaan tungkol sa nasabing pamilya sa lungsod ng Zaragoza.

Kahit nakalipas na ang maraming dekada ay hindi naitala ni José Marco kung saan niya nakuha ang mga sulatin ni Fr. Pavón. Ngunit lagi siyang may handang paliwanag sa kaniyang mga pakikipagkuwentuhan nang personal noon. Isinalaysay ito ni Henry Otley Beyer sa kaniyang kasamang mananaysay na si Mauro Garcia noong bandang 1950. Ayon sa kuwento, si Pavón ang pari sa bayan ng Himamaylan, Negros noong dekadang 1840. Noong dinambong ang bayan sa himagsikan ng 1899, ang ama ni Marco ay isa sa mga mandarambong na nagnakaw ng isang baul na sa akala nila ay puno ng salapi o alahas. Ngunit nang mahulog ito sa ilog, bumigat ito at natanto nilang mga papeles lamang pala ang laman. Ito raw ang mga kasulatan ni Pavón.  

Subalit kung totoo ang kuwentong iyon, dapat ay ipinaliwanag ni José Marco kung bakit hindi niya ginamit itong kayamanan ng kaalaman o kung bakit hindi man lang niya binanggit ang mga kasulatang iyon noong sinulat niya ang kaniyang Reseña Historica noong 1912. Marahil ay nakita ni Marco ang kamalian sa kaniyang kuwento kaya noong ipinaliwanag niya ang pinanggalingan ng mga kasulatan sa Philippine Studies Program ng University of Chicago noong 1954, sinabi niyang nakuha niya iyon mula sa isang matandang tagaluto na dati'y nagtrabaho sa kumbento sa Himamaylan na tinirahan ni Pavón. Itong matandang kusinero raw ang nagnakaw ng mga kasulatan noong 1899 at ipinagbili niya ang mga iyon kay Marco sa taong 1913.

Mga Kamalian sa Kasulatan ni Pavón

Bukod sa malabong pinagmulan ng Kodigo ni Kalantiaw at ng Leyendes ni Pavon na naglalaman nito, ang mga kasulatang ito ay kapwa kahina-hinala rin. Ang pamagat ng Kodigo ay Ang 17 tesis, o mga batas ng Regulos [mga Datu] na ginagamit sa 150 mula pa noong 1433 (sic). Sa katotohanan, 18 batas ang itinalang sumasaklaw sa humigit-kumulang na 40 kasalanan at hindi 16 na batas gaya ng inulat ni Artigas sa 1913. At madaling makita na walang katuturan ang mga petsang binanggit sa pamagat. Noong siglo ng 1800 ay palasak pa rin ang kaugalian na tanggalin ang isa o dalawang numero mula sa unahan ng isang taon upang paikliin ito ngunit hindi tinatanggal ang mga nahuhuling numero. Samakatwid ang bilang na 150 ay hindi isang daglat ng taong 1500. Ang maaaring kahulugan nito ay 1150 na wala ring katuturan tulad ng 150. Ikinuwento sa ikalawang kabanata ng ikalawang bahagi ng Leyendes ang pagtatayo ng kuta ni Kalantiaw sa 433. Bagama't tama ang numerong ito bilang daglat ng 1433, ang taon na sinulat umano ni Kalantiaw ang kaniyang mga batas, ang petsang ito ay nasa isang sulatin na umano'y isinulat sa taong 1137! Sa kabila ng katotohanan na ang mga sinaunang Filipino ay walang mga relos at wala ring panukat ng panahon na katumbas ng isang oras, hinatulan ng ikatlong batas ni Kalantiaw ang mga lalaki na lumangoy nang tatlong oras kung hindi nila kayang sustentuhan ang kanilang mga asawa at ang parusa namang ipinataw ng ikalimang batas ay isang oras ng paghagupit.

Second Part - Translation And Faithful version of A Visayan Higuecina Document Of The Year 1489.  Peculiar Treatise on How to Obtain Talismans And Amulets etc. -  On How To Be Invisible. The Tigadlom.

"Eksaktong" pagsasalin ng isang kasulatan ng taong 1489 mula sa mga sulatin ni Pavón ng 1838-1839.

Maraming mga petsang di-kapani-paniwala sa mga kasulatan na natuklasan umano ni José Marco. Isinalin ng di-umano'y may-akda ng Leyendes, si José María Pavón, ang Kodigo ni Kalantiaw at lima pang sulating pre-Hispanic, ngunit hindi niya ipinaliwanag kung paano niya kinalkula ang mga petsa ng mga ito. Isinaad pa niya na hindi itinala ng mga sinaunang tao sa Bisayas ang paglipas ng mga taon. Subalit ang kaniyang "eksaktong" pagsasalin ng isang kasulatan na sinulat umano sa taong 1489, ilang dekada bago nagsimula ang pakikipag-ugnayan sa Filipinas at kanluran, ay bumanggit ng "unang Biyernes ng taon" at ng mga taon na may "tatlong bilang na magkakatulad gaya ng 1777". Binanggit din dito ang salapi na may larawan ng Haring Carlos V ng Espanya kahit wala pa noon ang hari na saka lamang ipinanganak nang dumating ang taong 1500.

Ang mga kamalian sa mga petsa ay hindi lamang matatagpuan sa mga sinaunang kasulatan. Maging si Pavón ay litung-lito rin kahit sa kaniyang sariling panahon. Nang matapos ang kaniyang obra-maestra, inihandog ni Pavón ang Leyendes sa hari ng Espanya sa unang araw ng Agosto, 1839. Subalit walang hari ang Espanya noong panahong iyon; ang batang reynang si Isabella II na walong taong gulang pa lamang noon, ay nakalukluk sa trono mula pa noong 1833 sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang inang si Maria Christina. Hindi nagkaroon muli ng hari sa Espanya hanggang 1874.

Nang ilarawan ni Pavón ang isang lumang kalendaryo ng mga sinaunang Bisaya sa taong 1838-39, sinabi niyang ang buwan ng Nobyembre ay itinuring na "isang masamang buwan dahil ang dala nito ay hangin na hitik sa bulok na mikrobyo ng masasamang lagnat". Ang salitang mikrobyo ay nalikha lamang sa taong 1878 at nabuo ni Louis Pasteur ang kaniyang teorya na ang mga sakit ay nakahahawa sa pamamagitan ng hangin pagdating lamang ng dekadang 1850.

Itinanghal ni Pavón ang sinaunang alfabeto ng mga Bisaya na itinala umano ni Fr. Francisco Deza sa taong 1543 ngunit ang pari ay ipinanganak noong 1620. May ibang sulatin na nilagdaan ni Deza sa ika-23 ng Marso, 14. Itong petsa ay maaaring anim na taon bago ng kaniyang kapanganakan o 94 na taon pagkatapos nito batay sa kung anumang siglo na tinutukoy sa taong ??14. Itong kasulatan ay tinatakan din nang "Parokya ng Ilog ng Negros Occidental" at sinulatan nang "R.S. sa naturang lalawigan at bayan sa ikadalawampu't isa ng buwan ng Hulyo sa taong 17..." Wala pa ang lalawigan ng Negros Occidental sa mga naturang siglo o kahit na sa kapanahunan ni Pavón. Ang pulo ng Negros ay hinati lamang noong taong 1890.

Ang mga halimbawa sa Leyendes ng sinaunang sulat sa Bisayas ay malaki ang pagkakahawig sa ibang mga halimbawang natuklasan umano ni José Marco at magkakatulad din ang kanilang mga kamalian. Bagama't ginamit ang mga lumang titik sa mga kasulatan, hindi isinulat ang mga salita sa syllabic o papantig na paraan ng Filipinas kundi isinulat nang patitik-titik sa istilong Espanol. Ang ibig sabihin nito ay parang pinalitan lamang ang bawat titik na Espanyol ng isang lumang titik na Filipino. Ito ay mali dahil sa lahat ng ibang sinaunang paraan sa pagsulat sa Filipinas at Malaysia, ang bawat titik ay kumatawan sa isang buong pantig o syllable samantalang ang mga titik na Espanyol (ating mga modernong titik) ay kumakatawan sa mga payak na tunog lamang. Bukod dito, wala rin ang mga tuldik, ang mga tanda sa itaas at ibaba ng mga titik na nagpapahayag ng ibang vowel o patinig sa halip ng "A" at wala rin ang titik para sa pantig na "NGa". Ito ay pinalitan ng dalawang titik na "N" at "G" na may isang malaking Espanyol na tilde (~) sa itaas!

Pati ang pagsulat ni Pavón ay kakaiba. Madaling makita na ang mga pahinang pantitulo ng Leyendes ay sulat kamay lamang na iwinangis sa mga inilimbag na titik. Pinaghalu-halo ang iba't ibang istilo ng mga titik at tinuldukan pa ang malalaking "I". (Tingnan ang halimbawa sa itaas.) Magulo rin ang ispeling o pagbabaybay ng mga salita sa dalawang bahagi ng Leyendes. Ang pagkabaybay sa unang bahagi, na sinulat noong 1838, ay katulad ng istilo sa siglong 1500.Sa ikalawang bahagi ng 1839, sinabi ni Pavón na tinanggap na niya "ang maraming pagbabago sa pagbabaybay" na nasa pinakahuling talasalitaan ng Real Academia Española. Sa katotohanan, ang istilo sa ikalawang bahagi ay tugma nga sa naturang panahon bagama't hindi kasang-ayon ng nasabing diksiyunaryo. Hindi rin ipinaliwanag ni Pavón kung paano siya nakagamit ng mga bagong ispeling sa isang kasulatan na sinulat niya sa taong 1837 samantalang hindi pa niya alam ito noong taong 1838. Ang nasabing kasulatan ay Brujerías y los Cuentos de Fantasmas at "natuklasan" din ito ni José Marco.

Sino ba si José María Pavón?

Kinilala ni Prayle José María Pavón y Araguro ang maraming pinanggalingan ng kaniyang mga kabatiran: mga taong hindi matunton, mga di-kilalang kasulatan at mga manunulat na patay na o hindi pa ipinanganganak o, sa ibang kadahilanan ay, hindi maaaring naging may-akda ng mga sulatin na taglay ang kanilang panagalan. Kaya hindi nakapagtataka na ang sariling talambuhay ni Pavón, iyong inilarawan sa kaniyang mga sulatin, ay nakapagdududa rin.

Sinabi ni Pavón na dumating siya sa Filipinas noong 1810 ngunit walang patotoong nakatala. Isinulat din niya na nanirahan siya sa kumbento ng kaniyang parokya sa Himamaylan mula pa noong ika-17 ng Hulyo, 1830 ngunit sa katotohanan, ayon sa Libro de Cosas notables ng Himamaylan, nagsimula ang kaniyang pamamahala sa nasabing parokya 12 taon pagkaraan ng petsang ito, sa ika-7 ng Setyembre, 1842. Sinabi niya na natapos niya ang Las Antiguas Leyendes sa Himamaylan sa taong 1839 ngunit ang pangalan niya ay nasa talaan ng Guía de Forasteros sa taong ito bilang Catedrático di Sínatasis y Retórica (Guro ng Palaugnayan at Retorika) sa seminaryo sa Cebu. Ito ang kauna-unahang pagtatala ng pangalan ng totoong si José María Pavón.

Ang Guía de Foresteros o "Patnubay sa mga Dayuhan" ay may talaan ng mga tauhan ng pamahalaan at inilathala ito taun-taon noong panahon ng mga Kastila. Sa patnubay na ito may nakasulat na "D." (daglat ng "Don") sa unahan ng bawat tala ng pangalan ni Pavón kaya maipapalagay na ang gurong ito ay isang pareng seglar. Subalit nilagdaan ng manunulat na si Pavón ang karamihan sa kaniyang sulatin bilang "Fray José María Pavón". Ito ay nangangahulugang siya ay isang prayle sa isang orden. Binanggit din niya na minsan ay nakapaglakbay siya sa Borneo kasama ng ilang "kaabito".

Sinabi ni Pavón na siya ay nag-aral sa Sevilla, Espanya sa taong 1788. Ang isang di-umano'y kaklase niya noon ay si Fray Jorge G. de Setién na pangalang binanggit din ni José Marco sa kaniyang Reseña histórica bilang may-akda ng isang aklat tungkol sa Filipinas sa taong 1779. Kung ipapalagay natin na si Setién ay isang napakatalinong sanggol noong 1779, sila ni Pavón ay hindi maaaring naging kulang sa siyam na taong gulang noong taong 1788. Ang ibig sabihin ay hindi kulang sa 87 taon na si Pavón noong siya ay naitala bilang pare ng parokya ng Cebu sa taong 1866.

Madaling makita na ang tunay na José María Pavón ay hindi siyang nagsulat ng mga kasulatan ni Pavon. Malamang na kinuha lamang ang kaniyang pangalan mula sa mga talaan ng kasaysayan upang gamitin sa isang napakalaki at ambisyosong padaskul-daskol na panlilinlang.

Pagdaragdag sa Alamat

Ang kasaysayan ni Kalantiaw ay unang kinathang-isip ni Jose Marco ngunit agad itong nagkaroon ng sariling buhay. Ang ibang mga manlilinlang at mga pantas ay tumulong sa pagpapalago ng isang bagong kasaysayan na ang pundasyon ay isang huwad na alamat. Biglang nagkaroon ng tatak ng katunayan sina Marco at Kalantiaw nang tanggapin ni James A. Robertson ang mga bagong "tuklas" para sa Philippine Library and Museum sa taong 1914. Noong ika-20 ng Hulyo, 1915, nagharap si Robertson ng isang sanaysay tungkol sa mga batas ni Kalantiaw sa Panama-Pacific Historical Congress sa California at sinundan pa ito ng paglalathala ng isang pagsasalin sa Ingles ng Kodigo noong 1917.

Sa nasabing taon din, nalathala ang isang pagsasaling Espanyol ng Kodigo na ginawa ni Josué Soncuya at ito ay tinalakay niya sa anim na kabanata ng kaniyang Historia Prehispana. K6 Si Soncuya, na taga-Banga, Aklan, ang siyang naggawad sa dakilang mambabatas ng titulong "Rajah Kalantiaw" at ipinalagay rin niya na ang Kodigo ay sinulat para sa Aklan, Panay dahil sa nakita niyang dalawang salitang Aklanon sa kasulatan. Hindi niya binigyang pansin ang katotohanan na ang pamagat ng aklat na naglalaman ng mga kuwento ni Kalantiaw ay Ang mga Sinaunang Alamat ng Pulo ng Negros na sinulat daw ni José Pavon sa naturang pulo. Binale-wala rin ni Soncuya na ang kinikilalang nakatuklas ng kasulatan na si José Marco ay taga-Negros at ang nakasaad sa aklat na sa pulo ng Negros itinayo ni Kalantiaw ang kaniyang kuta.

Gayunman, ang pinagmulan ng alamat ni Kalantiaw ay inalis sa Negros at inilipat sa Panay. Marahil ay inakala ng mga tagahanga ng datu na magiging mas kapani-paniwala ang kaniyang alamat kung ito ay sasabihin nilang naganap sa Panay dahil ang mga kilalang alamat na isinaad sa aklat na Maragtas ay doon din umano naganap. Sa taong 1949, isinama ni Gregorio Zaide ang Kodigo ni Kalantiaw sa kaniyang Philippine Political and Cultural History. Ang pamagat ng Kodigo ay dinugtungan niya ng mga salitang "Aklan, Panay". At kahit hindi natagpuan ni Digno Alba ang anumang katibayan para sa pagiging alamat ni Kalantiaw, ipinahayag niya sa kaniyang aklat na Paging Datu Kalantiaw (1956) na intinatag ng Datu ang kaniyang pamahalaan sa Batan at ito ay naging punung-bayan o kapital ng sakup ng Aklan. K7 Noong ika-8 ng Disyembre, 1956 itinatag ang isang bantayog sa karangalan ni Kalantiaw sa nasabing bayan. Sa taong sumunod, 1957, isang dating paaralan sa Batan ang ginawang Kalantiaw Shrine ng Philippine Historical and Cultural Society at ang Kodigo ni Kalantiaw ay inukit sa isang plakeng tanso. Nasa museong iyon ang di-umano'y "orihinal na kasulatan" ng Kodigo.

Kalantiwa Shrine.  (courtesy of the National Historical Institute)
Ang Kalantiaw Shrine sa Batan, Aklan.

Noong 1966 nalathala ni Sol H. Gwekoh sa Sunday Times ang mga bagong detalye kaugnay sa buhay ni Datu Bendahara Kalantiaw, anak ni Rajah Behendra Gulah. Isinilang daw siya sa taong 1410 at naging ikatlong pinunong Muslim sa Panay noong siya ay 16 na taong gulang. Inaakala ng maraming tao na si Kalantiaw ay isang pinag-apuhan ng maraming salinlahi ng mga pinunong Muslim ngunit, makikita sa kaniyang Kodigo na siya ay hindi isang Muslim. Siya ay isang animist sapagkat pinarusahan ng kaniyang mga batas ang sinumang nagkasala laban sa mga anito, diwata, sinasambang punong kahoy at hayop, o sa mga idolo. Bukod dito, may kabalintunaan ang bagong pangalan na ibinigay ni Gwekoh sa dinakilang Datu dahil ang bendahara ay isang lumang salitang Bisaya na ang kahulugan ay "punong ministro" o pumapangalawa sa kapangyarihan ng pinakamataas na datu. Ganito rin ang kahulugan ng salitang ito sa wikang Malay ngayon.

Madalas na sinisipi sa iba't ibang Internet web site ang mga pahayag tungkol kay Kalantiaw mula sa mga manunulat na hindi ipinakikilala. (Tingnan ang Pahabol.) Magkakasalungat ang marami sa mga katha nila tungkol kay Kalantiaw. May mga nagsasabing siya ay hindi lamang pangatlong pinuno ng Panay kundi pangatlo sa isang dinastiya ng mga haring may pangalang Kalantiaw. Ang ama niya, ayon sa iba, ay hindi si Rajah Gulah kundi si Haring Kalantiaw I, ang sumakop sa bayan ng Batan sa tulong ng mga Tsinong tulisan noong taong 1399. Mahirap paniwalaan na ibinigay ng matandang Kalantiaw I ang pangalan niya sa kaniyang dalawang anak, Kalantiaw II at Kalantiaw III. Si Kalantiaw II daw ay hindi ama ng mas sikat na si Kalantiaw III kundi kaniyang kapatid! Lalong mahirap paniwalaan na natukoy pa ang eksaktong petsa ng pagpapahayag umano ni Kalantiaw ng kaniyang kodigo ng batas - ika-8 ng Disyembre, 1433. Marami pang mga kuwento tungkol sa buhay ni Kalantiaw III; tungkol sa kaniyang mga minahal, mga kaaway, mga pakikipagdigmaan at kaniyang kamatayan. Ang tawag sa kaniya sa pamagat ng kaniyang Kodigo ay Kalantiaw, ika-3 "regulo" o pangkaraniwang pinuno lamang.

Pinarangalan si Kalantiaw ng Hukbong Dagat ng Filipinas noong Disyembre 1967 nang tanggapin nila ang lumang bapor-pandigmang USS Booth mula sa Estados Unidos. Ang bapor, na ginawa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay binigyan ng bagong pangalan, ang BRP Datu Kalantiaw. Lumubog ito dahil sa bagyong Clara noong ika-20 ng Setyembre, 1981.

DE-170 USS Booth renamed RPS Kalantiaw in 1967.
Ang DE-170 USS Booth ay binigyan ng bagong pangalan
na BRP Datu Kalantiaw sa 1967.

Noong 1970 isinulat ng kilaláng mananaysay na si Gregorio Zaide na ang tunay na pangalan ni Kalantiaw ay Lakan Tiaw na ang ibig sabihin daw ay "Datu ng Maikling Pagsasalita". Ang "Lakán" ay isang pangkaraniwang bahagi ng mga pangalan ng mga Tagalog, na noong unang panahon ay nangahulugang "pinakamahalagang pinuno". Nakapagtataka dahil bumanggit pa si Zaide ng isang pariralang nagmula umano sa mga labi ni Kalantiaw: "Nakapangingibabaw ang batas sa lahat ng tao." Ang nakalulungkot ay alam na ni Zaide na ang alamat ni Kalantiaw ay napabulaanan at napatunayang hindi totoo may dalawang taon na ang nakalipas bago niya ipinalathala ang kaniyang mga karagdagang palagay tungkol dito.

Pinabulaanan ang Kasaysayan ni Kalantiaw

Ipinagpatuloy ni José Marco ang paggawa ng kaniyang mga huwad na kasulatan hanggang sa panahong malapit na siyang pumanaw noong 1963 ngunit lumiit na nang lumiit ang kaniyang mga tagumpay sa bawat bagong panlilinlang. Sa pagdating ng dekadang 1950, nawala ang paggalang sa kaniya at hindi na siya pinaniwalaan ng mga tunay na pantas, ito'y sa kabila ng patuloy na katanyagan ni Kalantiaw. Sa panahong iyon, ang bagong henerasyon ng mga dalubhasa ay nagsimula na ring maghinala sa kasaysayang itinuro sa mga Filipino sa loob ng nakaraang kalahating siglo.

Noong 1965, si William Henry Scott ay nag-aaral para sa kaniyang doctorate sa University of Santo Tomas nang may iminungkahi sa kaniya ang mananaysay na si Mauro Garcia. Ayon kay Garcia, ang dapat suriin ni Scott para sa kaniyang tesis ay ang kasaysayan ng Filipinas bago dumating ang mga Espanyol. Nakatanggap si Garcia ng ilang huwad na kasulatan mula kay Jose Marco at siya ay may hinala sa mga unang natuklasan ni Marco na alam niyang naging batayan ng malaking bahagi ng sinaunang kasaysayan ng Filipinas. Kaunting huwad na kasulatan lamang ang ipinakita ni Garcia kay Scott upang huwag maimpluwensiya ang pananaliksik na gagawin ni Scott. Nang dumating ang panahong nagkaroon na si Scott ng sariling palagay tungkol sa mga gawa ni Marco ay saka lamang ipinakita ni Garcia ang iba pang mas halataing panlilinlang ni Marco.

Ipinako ni Scott ang kaniyang pagsasaliksik sa pagtunton sa pinanggalingan ng bawat pagbanggit o pagtukoy sa sinaunang kasaysayan ng Filipinas na nasa pangunahing apat na aklat na ginagamit noon sa mga kolehiyo. K8 Sinuri niya ang mga orihinal na sulatin at hinanap niya sa maraming aklatan at museo sa iba't ibang pook sa daigdig ang mga bagay-bagay at kasulatang maaaring makapagpatibay sa mga ito. Tinanong niya ang mga batikang mananalaysay tungkol sa pinagkunan ng kanilang kaalaman. Kinapanayam niya ang mga kaibigan at kakilala ni José E. Marco at sinuri rin niya ang mga liham nila kay Marco at mga liham ni Marco sa kanila. Ang lahat ng kabatirang may kaugnayan kay Kalantiaw ay natunton ni Scott. Ang lahat ay may iisang pinanggalingan lamang, si José E. Marco. Binuód ni Scott ang kaniyang ginawang masusing pagsusuri sa dalawang payak na pangungusap:

Ang mga natuklasan ni José E. Marco na natala sa kasaysayang Filipino... ay lumalabas na sinadyang pagsisinungaling at hindi totoong bahagi ng kasaysayan. Samakatwid, walang katibayan o patunay sa kasalukuyan na mayroon ngang nabuhay na isang pinunong Filipino na ang pangalang ay Kalantiaw o na ang kodigo penal ni Kalantiaw ay ginawa bago dumating ang taong 1914. K9

Matagumpay ang pagtatangol ni Scott sa kaniyang tesis sa harap ng isang lupon ng mga batikang Filipinong mananalaysay, ang ilan sa kanila ay sumang-ayon noong araw sa mga bahagi ng kasaysayang Filipino na pinabulaanan niya. Ang lupong tagahatol na nagbigay ng gradong "meritissimus" o "napakahusay" sa tesis ni Scott ay binuo nina Teodoro Agoncilllo, Horacio de la Costa, Marcelino Forondo, Mercedes Grau Santamaria, Nicholas Zafra at Gregorio Zaide. Inilathala ang kinalabasan ng masusing pagsisiyasat ni Scott sa kaniyang Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History noong 1968 at magpahanggang ngayon, hindi ito pinabulaanan ng sinumang mananalaysay.

Buhay Pa Rin Ang Kasinungalingan

The 30-centavo Kalantiaw postage stamp. c.1978.

Noong ika-19 ng Hunyo, 1978 pinarangalan si "Rajah Kalantiaw" sa mga 30-sentimos na selyong Filipino.

Gayunpaman, hindi agad nagbigyan-pansin ng lipunang Filipino ang pagbubunyag ni Scott. Noong ika-1 ng Marso, 1971 sinimulan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Order of Kalantiaw, isang gantimpalang kumikilala sa "paglilingkod sa bansa sa mga larangan ng batas at katarungan" (Executive Order No. 294). Noong 1971 rin, sa inaakalang petsa ng anibersaryo ng Kodigo (ika-8 ng Disyembre), itinanghal ang isang "Lakambini ni Kalantiaw" sa isang timpalak ng kagandahan at noon din ay inilarawan ng pintor na si Carlos Valino Jr. ang pagpapahayag ni Kalantiaw ng kaniyang mga batas (tingnan ang larawan sa itaas). Sa ika-24 ng Enero, 1973, inilabas ni Pangulong Marcos ang Presidential Decree No. 105 na nagpahayag na ang Kalantiaw Shrine, at ng iba pang mga iginagalang na lugar sa bansa ay banal. Pinagbawalan ng batas ang anumang paglapastangan sa ganitong mga lugar pati ang anumang "hindi kailangang ingay at hindi bagay na kagagawan". Katulad ng Kodigo ni Kalantiaw, ang parusa sa paglabag sa batas na ito ay mabigat. Ang parusa ay "pagkabilanggo nang hindi kulang sa sampung (10) taon o isang multa na hindi kulang sa sampung libong (P10,000) piso o kapwa multa at pagkabilanggo".

May mga Filipinong mananalaysay na winalang halaga ang alamat ni Kalantiaw bago pa man nalathala ang tesis ni Scott. Palibhasa'y hindi matanggihan ang kaniyang mga katibayan, pati ang mga pangunahing mananalaysay ay itinakwil na rin ang panlilinlang ni Marco. Sa kabila ng lahat ay may isang kataliwasan; siya ang mananalaysay na si Gregorio F. Zaide na may-akda ng katakut-takot na aklat-pampaaralan at naging kasapi ng mismong kalupunan na nagsuri ng tesis ni Scott noong 1968. Ayon kay Scott,

Noong nagaganap ang revalida [pasalitang pagsusulit], wala, kahit sino, ang nagtanong tungkol sa kabanata na pinamagatan kong "Ang mga Handog ni José E. Marco sa Pagtatala ng Kasaysayang Filipino". K10

Sa kabila ng pagkakataong maaari niyang hamunin noon nang tuwiran ang tesis ni Scott tungkol kay Kalantiaw, maipapalagay na nanahimik lamang si Zaide. Ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang pagsang-ayon sa alamat at pinalabukan pa niya ito sa kaniyang mga aklat tulad ng Heroes of Philippine History (1970), Pageant of Philippine History (1979), History of the Republic of the Philippines (1983), Philippine History (1984), at sa mga muling paglalathala ng kaniyang mga dating akda. Nang pumanaw si Dr. Zaide noong 1986, ang kaniyang anak na si Sonia M. Zaide ay nagpalathala ng mga panibagong labas ng mga dating aklat na sinulat nilang dalawa at doo'y tinanggal niya ang karamihan sa mga bahagi, ngunit hindi lahat, na may kaugnayan sa mga panlilinlang ni Marco.

Gayon pa man, hindi pa rin tuluyang nawawala sa kaisipan ng Filipino si Kalantiaw kahit mahigit na 30 taon na ang nakaraan mula nang mailantad ang mga panlilinlang. Hanggang ngayon, ang larawan niya ay nasa kisame ng dating bulwagan ng Senado at ang pamahalaan ng Filipinas ay naggagawad pa rin ng Order of Kalantiaw sa mga hukom na nagreretiro. Ang Central Philippine University sa Iloilo ay may sariling Order of Kalantiao, isang fraternity na naugnay sa isang malubhang hazing noong Setyembre, 2001. Kahit ang National Historical Institute (NHI) ay nagparangal din kay Kalantiaw noong 1989 sa kanilang Filipinos in History (vol.4). Ang Gintong Pamana Awards Foundation, isang proyekto ng Philippine Time USA Magazine, ay kinikilala ang mabuting pamumuno sa lipunan ng mga Filipino-American sa pamamagitan ng Kalantiaw Award. Ginugunita pa rin ang kathang-isip na pinuno ng Panay sa pangalan ng maraming gusali, lansangan at bulwagan sa iba't ibang pook sa Filipinas. Mapupuntahan pa rin ng mga turista ang Kalantiaw Shrine sa Batan, Aklan at madadaanan din ang isang paaralan doon, ang Kalantiaw Institute. Bagama’t may mga lumang aklat-pampaaralan na ginagawang bago sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kabanata tungkol sa mga bagong pangyayari tulad ng People Power Revolution ng 1986, nananatili pa rin at hindi iniwawasto ang mga bahagi tungkol sa mga huwad na batas ni Kalantiaw at ng Maragtas, gaya ng makikita sa A History of the Philippines nina Leogardo atbp. (1986) K11 Sa mga bagong aklat-pampaaralan, inuulit pa rin ng mga makalumang manunulat ang mga laos nang teorya at mga maling palagay tungkol sa kasaysayan ng Filipinas. May ilan sa kanila na nagpapanggap na makabago at pantay ang kanilang pananaw sa pamamagitan ng ilang maikling paunawa na hindi naman nagbibigay ng karampatang halaga sa mga “palagay” na salungat sa kanilang kuru-kuro. Halimbawa, tingnan natin ang mga susunod na linya mula sa aklat-pampaaralan ni Edgardo E. Dagdag, Kasaysayan at Pamahalaan ng Pilipinas (1997):

Magandang suriin ang nilalaman ng Batas Kalantiaw, kahit na ito ay hindi pinapaniwalaan na autentikong nakasulat na batas ng ilang istoryador tulad ni Propesor W. Henry Scott, dahil makikita rito ang uri ng lipunan na nais mabuo ng mga sinaunang Pilipino.
…nais ng mga Pilipino na magkaroon ng isang lipunang relihiyoso, at may takot sa Diyos; may respeto sa awtoridad, matatanda, kababaihan at kapaligiran; at may pagpapahalaga sa buhay at binitiwang salita. K12

Gaano kasinsin kaya ang pagsusuring ginawa ng may-akda sa nilalaman ng Batas Kalantiaw noong isinulat niya itong kaaya-ayang pagkakalarawan ng isang tila napakabanal na pamayanan? Nanaisin ba ng isang lipunang "may pagpapahalaga sa buhay" ang ganitong di-makatwirang kodigo ng batas na ang kaparusahang ibinibigay ng 14 na batas (sa kabuuang 18 batas ng kodigo) ay karima-rimarim na kamatayan, pagpuputol-putol ng iba’t ibang bahagi ng katawan at iba pang paraan ng labis na pagpapahirap? Maipapalagay na hindi gaanong nalalaman ni Dagdag ang mga di-maikakailang katunayan ni Scott na nagpabulaan sa alamat ni Kalantiaw dahil hindi nakatala ang anumang akda ni W. Henry Scott sa bibliograpya ng kaniyang aklat. Kung inalam lamang sana niya ang mga ito, nabatid rin sana niya na ang Batas Kalantiaw, at lahat ng mga nakaugnay na alamat, ay kathang-isip lamang mula noong ika-20 dantaon, kung kaya hindi "makikita rito ang uri ng lipunan na nais mabuo ng mga sinaunang Pilipino."

Malamang na mananatili pa rin ang ganitong mga mababang uring aklat kung ang katiwalian tulad ng textbook/bribery scandal, ang binalitang panunuhol sa Department of Budget and Management noong 1999, ay isang halimbawa ng kalagayan ng pagtuturo sa Filipinas. Subalit may pag-asa pa. Kahit mayroon pa ring naniniwala sa alamat ni Kalantiaw, natututuhan na ito ng maraming mag-aaral bilang isang kasinungalingan at hindi totoong bahagi ng kasaysayan. Sa ngayon ay unti-unti nang nakikita ang bunga ng bagong pagtuturo. Noong 1994, isinadula ng manunulat na si Rene O. Villanueva ang buhay ni José E. Marco at ang kaniyang ginawang panlilinlang sa Kalantiaw, Kagila-gilalas na Kasinungalingan. Ayon sa dula, ang sanhi ng mga panlilinlang ni Marco ay ang kaniyang masidhing paghanga sa bayaning Dr. José P. Rizal. Ang adhikain niya ay higitan pa ang mga ginawa ni Rizal para sa kalinangan ng Filipinas kung kaya siya ay lumikha ng huwad na kasaysayan ng mga sinaunang Filipino.

Sapagkat yumao na ang mga pangunahing mananaysay ng ika-20 siglo, malaya na ang bagong salinlahi upang ituwid ang mga dating kamalian sa kasaysayan. Sa taong 1998 pa lamang ay inamin ng NHI na si Kalatiaw ay isang panlilinlang. Inamin nila ito noong humingi ang Chief Justice na si Andres Narvasa ng payo sa Malakanyang tungkol kay Kalantiaw sa pagkakataon na gagawaran siya ng Kalantiaw Award. Sa kabila ng hatol ng NHI, ibinigay naman ni Pangulong Joseph Estrada ang Kalantiaw Award kay Narvasa.

Sa pumumuno ni Ambeth Ocampo, nilinaw ng NHI ang kanilang opinyon hinggil kay Kalantiaw noong 2005. Nagmungkahi sila kay Pangulong Arroyo na bawiin ang status ng Kalantiaw Shrine bilang isang pambansang bantayog at nagalit tuloy ang ilang Aklanon.

Sa kasalukuyan, ang katapangan at karunungan ni Kalantiaw ay nababanggit pa rin sa bawat pagpaparangal sa huwad na datu at sa mga taong walang malay na binibigyan ng Kalantiaw Award. Subalit kung babasahin natin nang makatwiran ang Kodigo ni Kalantiaw, makikita natin na ang kaniyang hinahangaang katapangan ay kalupitan lamang at ang kaniyang di-umano'y karunungan ay matinding kabaliwan. Iginigiit ng mga tagapagtanggol ni Kalantiaw na dapat siyang ituring na totoo pati na ang kaniyang alamat dahil siya raw ang nagpapatingkad sa kanilang kalinangan noon pa man. Hindi nila alam na ang kanilang pagdakila sa isang baliw na datu bilang bayaning Filipino ay isang paninirang-puri sa kanilang kapwa Filipino. Mabuti na lang at hindi kailangang harapin ng madlang Filipino ang kahihiyang ito dahil hindi totoo si Kalantiaw at kahit kailan ay walang nabuhay na Datu Kalantiaw sa kasaysayan ng Filipinas.


©1998 & February 2002 by Paul Morrow
Latest revision: 12 June, 2008

Pahabol

Patuloy pa rin ang panlilinlang kaugnay ng alamat ni Kalantiaw kahit na sa mga pinakamataas sa lipunan at pamahalaan. Narito ang ilang halimbawa ng mga web site na nagpapatuloy pa rin ng panlilinlang na ito nang hindi sinasadya o sinasadya:

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa tunay na kasaysayan
ng Aklan at Bisayas, dalawin ang AklanWeb.

Mga Pinagsanggunian

Ang pangunahing pinagkunan ng kaalaman sa lathalaing ito, pati na ilang sinipi mula sa iba pang akda, ay Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History (revised edition, 1984) ni W.H. Scott. Makikita ang pinagkunan ng bawat sipi kung iki-klik ang mga K# link.

Iba pang pinagsanggunian:

  • Abeto, Isidro Escare. Philippine History Reassessed, 1989.
  • Alip, Eufronio M. Political & Cultural History of the Philippines Vol: 1. Revised Edition, 1954.
  • Arellano Law Foundation - The Lawphil Project, Presidential Decrees No. 105 January 24, 1973
  • Columbia Encyclopedia, Sixth Edition. 2001 www.encyclopedia.com
  • De la Costa, Horacio. Readings in Philippine History. 1965.
  • Del Ayre, Art. ABdA's Philippine Philatelic Website. http://www.geocities.com/abda/index.html
  • Dagdag, Edgardo E. Kasaysayan at Pamahalaan ng Pilipinas, 1997
  • Leogardo, Felicitas T., Vicente R. Leogardo, M.R. Jacobo, A History of the Philippines, New Edition, 1986.
  • National Commission on Culture and the Arts. Time Chart of Philippine Museum Development. www.ncca.gov.ph. Source: NCCA. Guidebook to Museums Series. 1990-1997.
  • Robertson, Megan C. Medals of the World, www.medals.org.uk 2001.
  • Scott, William Henry. Prehispanic Source Material for the Study of Philippine History. 1968.
  • Scott, William Henry. Looking for the Prehispanic Filipino. 1992.
  • Scott, William Henry. Barangay, Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. 1994.
  • Villanueva, Rene O. Apat na Dula. 1998.
  • Yarnall, Paul R. DE-170 USS Booth. www.navsource.org. 2001.
  • Zaide, Gregorio F. & Sonia M. Zaide. History of the Republic of the Philippines. revised edition, 1987.
  • Zaide, Gregorio F. & Sonia M. Zaide. Philippine History. corrected edition, 1987.

Maraming salamat kay G. Rudolf N. Inamarga dahil sa kaniyang tiyaga at maliwanag na pang-unawa sa maraming e-mail tungkol sa kasaysayang Filipino. At maraming salamat din kay Emmie Joaquin dahil sa kaniyang pasensiya sa pagwawasto ng lathalaing ito.

UWIAN     ITAAS