Click on flag for
 GO TO ENGLISH VERSION
English version

MGA NILALAMÁN

Mga Alamát sa Maragtás
Pedro Monteclaro
Alamát Noón,
         Kasaysayan Ngayón

Confederation of Madyaas
Code of Maragtas
Hatol sa Maragtás
Bungŕ ng mga Nátuklasán
Pahabol
Mga Pinagsanggunian

MGA KAUGNÁY NA PÁHINA

Monteclaro's Foreword to
  the Readers of Maragtas

Ang Panlilinláng ng
  Kalantiáw

UWIAN

Maragtas and Kalantiaw - History, Legend or Fraud?

 

Paano kayâ nálaman ng mga mánanalaysáy ang mga pangyayaring naganáp sa Filipinas noóng panahón bago dumatíng ang mga Kastilŕ? Paano kayâ nilá nalaman ang mga pangalan ng mga tao noón at kung anú-anó ang ginawâ nilá kung halos walâ namáng totoóng kasulatan na naitalâ mulâ sa naturang panahón?

Marami sa ating nálalaman tungkól sa unang panahón ay nakaratíng sa atin sa pamamagitan ng mga alamát. Itó ang mga kuwentong hindî isinusulat kundî isinásalaysáy  lamang ng bawat salinlahě sa sumúsunód na salinlahě. Kadalasan, ang mga alamát ay mga kuwentu-kuwento lamang tungkól sa paglikhâ ng daigdíg, káuná-unahang babae at lalaki at ibá pa na madalíng makitang hindî dapat ituring na totoó. May iláng alamát na marahil ay nakabatay sa mga totoóng pangyayari noóng unang panahón ngunit hindî maáasahan ang mga itó bilang mga tunay na talaan ng kasaysayan dahil nababago ang mga alamát sa bawat pagsásalaysáy. Máaaring mahinŕ o malî ang alaala ng taong nagkuwento o dî kayá’y pinalabukan niyá ang kuwento upang pagandahín itó.

Ang lathalaíng itó ay tungkól sa isáng alamát na tinatawag na Maragtás ngunit hindî yaóng Maragtás na dati’y itinuturň sa mga batang mag-aarál sa Filipinas. Ang sanaysáy na itó ay tungkól sa isáng makabagong alamát na nakapaligid sa isáng aklát na ang pamagát ay Maragtás. At tulad ng mga lumang alamát, “pinalabukan” din itóng bagong alamát. Ang pagkakáibá ng kasong itó ay nagkahalu-halň ang mga alamát at ang kasaysayan. Makikita natin dito na kapág inihahalň ang mga alamát sa kasaysayan, kadalasa’y gumagandá ang mga kuwento ngunit ang katotohanan ay laging napapahamak.

Ang Mga Alamát sa Maragtás

Ang mga kuwentong nakilala sa pangalang Maragtás ay mga alamát na máaaring nakabatay sa mga totoóng pangyayari noóng unang panahón. Ikinuwento rito ang sampúng datu na lumayas sa kalupitán ni Datu Makatunaw ng Borneo at dumayo sa Panáy. Binilí nilá ang kapatagan ng pulô kay Marikudo, ang pinunň ng mga Ayta roón. Ayon sa alamát, ang sampúng datu at kaniláng mga kamag-anak ang siyáng nagíng mga ninunň ng buóng lahing Bisayŕ. Itó ang alamát na ipinagdiriwang taún-taón sa pistang Ati-atihan sa Kalibo, Aklan mulâ noóng itó ay ginawáng bahagi ng táunang kapistahan ng Santo Nińo sa dekadang 1950.

Ang Maragtás ni Pedro Monteclaro

Bagamá’t matagál nang alám ng mga tagá-Panáy ang mga alamát na itó, ang salitáng maragtás ay hindî náriníg bago itó ginamit sa pamagát ng isáng aklát ni Pedro Alcantara Monteclaro sa taóng 1907. M1 Isinulat niyá ang Maragtás sa mga wikang Hiligaynon at Kinaray-á ng Panáy. Ang kahulugáng ibinigáy ni Monteclaro sa salitáng maragtás ay "kasaysayan"; subalit hanggáng ngayón, itó ay nakikilala lamang bilang pamagát ng kaniyáng aklát.

Sa tingín ni Monteclaro, mahalagá ang mga alamát sa pamanang Bisayŕ kayâ, tinipon niyá ang ibá’t ibáng mga kuwento ng mga matandâ sa Panáy at ipinalathalŕ niyá ang mga itó sa kaniyáng Maragtás. Mayroóng mga taong nagpahayag na ang Maragtás ay isinalin lamang ni Monteclaro mulâ sa mga kasulatang isinulat noóng unang panahón bago dumatíng ang mga Kastilŕ (prehispanic). Ngunit malinaw niyáng sinabi sa kaniyáng paunang salitâ ng aklát na siyá mismo ang may-akdâ nitó. At kahit mayroón siyáng nábanggít na dalawáng lumang kasulatan, sinabi niyáng hindî na niyá isinama ang mga itó dahil sa kaniláng hindî maayos na kalagayan. Hindî rin niyá ipinahiwatig na isinalin niyá ang mga naturang kasulatan sa kaniyáng aklát.

Basahin ang buóng paunang salitâ ng Maragtás ni Monteclaro sa
Foreword to the Readers

Hindî binigyán ni Monteclaro ng anumáng petsa ang di-umanó’y mga napakalumang kasulatang kaniyáng nábanggít. Ang isá raw aniyá ay galing sa kaniyáng lolo. Ang isá namán ay galing daw sa lolo ng isáng 82 taóng gulang na lalaki na nákilala niyá sa bayan ng Miag-ao. Sinabi ni Monteclaro na kinopya niyá ang mga kasulatang itó noóng 1901 bagamá’t halos hindî na niyá mabasa ang mga itó.

Tiyák na ang mga kasulatang itó ay nagmulâ lamang sa panahón ng mga Kastilŕ dahil nakasulat na ang mga itó sa papél at ang nasabing pinagmulán ay máaaring dalawáng salinlahě lamang bago ng taóng 1901. (Ayon kay Monteclaro ang isá ay may limáng salinlahě na noón.) Isinaád pa ni Monteclaro sa pangwakás ng Maragtás na kinailangan niyáng sumangguně sa lahát ng matatandâ sa bawat bayan dahil, ayon sa kaniyá,

…hindî malinaw at ganáp ang kaalamáng ibinibigáy ng aking mga kasulatan tungkól sa mga bagay ng nakaraáng panahón. M2

Napuná ni Salvador Laguda, ang tagapaglathalŕ ng Maragtás, ang sumúsunód:

Ayon sa may-akdâ, ang Maragtás na itó ay hindî dapat ituring na isáng akdáng… pawang tamŕ at totoó, dahil marami sa kaniyáng pinagbábatayang kaalamán ay hindî katulad ng mga kuwento ng mga matandâ. M3

Malamáng na ibinatay ang malakíng bahagi ng Maragtás sa isáng akdáng isinulat noóng 1858 ni Fr. Tomás Santarén, na inilathalŕ sa taóng 1902 sa ilalim ng pamagát na Historia de los primeros datos. M4 Itó ang pagsasalin ni Santarén ng dalawáng kasulatan. Ang una ay mulâ sa bandáng gitnâ ng siglo 1800 at ang ikalawá, ayon sa kaniyá, ay lumŕ ngunit hindî antigo. Hindî sinabi ni Santarén kung anó ang wikang pinagmulán ng mga kasulatang itó. Makikita sa isá pang puná ng tagapaglathalŕ ng Maragtás ang kaugnayan nitó sa Historia ni Santarén patí ang pinanggalingan ng kaalamán ni Santarén:

Ang ibá’t ibáng pinagbábatayang kaalamán ng aklát na itó ay galing sa mga prayle na nagsikap upang maitalâ ang kaniláng ginawâ at nákita sa pulóng itó. M5

Alamát Noón, Kasaysayan Ngayón

Sa kabilâ ng ganitóng malinaw na paliwanag, itinuring pa rin ng mga sumunód na mánanalaysáy na parang tunay na lumang kasulatan ang aklát ni Monteclaro. Malamáng na ang sanhî nitó ay ang maraming kasunód na pagsasalin ng Maragtás na sadyáng nakakálinláng.

  • May mga mánunulát na sadyáng ginawáng malî ang pagsasalin ng paunang salitâ ni Monteclaro lalň na ang bahagi tungkól sa dalawáng kasulatang nábanggít. Tingnán: Foreword to the Readers.
     
  • Hindî isinama ng maraming mánunulát ang mga kabanatŕ tungkól sa panahón ng Kastilŕ at ang mga puná ng tagapaglathalŕ. Doón makikitang hindî isinulat ang Maragtás noóng unang panahón.
     
  • At ang lahát ng mánunulát ay tila nagbulág-bulagan sa paggamit ni Monteclaro ng mga salitáng Kastilŕ tulad ng dios, junta, negrito at volcán sa isáng aklát na isinulat, ayon sa kanilá, noóng panahón bago dumatíng ang mga Kastilŕ sa Filipinas.

Bukód dito, hindî binigyáng-pansín ng mga mánanalaysáy ang modernong istilo ng pagkákasulat ng Maragtás. Ang mga kabanatŕ tungkól sa mga bagay-bagay at kaugalian ng sinaunang panahón ay isinulat sa estilong ginagamit na ng mga modernong mánanalaysáy at hindî istilo ng pagkakásalaysay ng isáng taong nabuhay noóng unang panahón. Halimbawŕ, náritó ang ginawáng paglálarawan sa kasalanang katamarán na ang parusa ay gawíng alipin ang nagkasalang batugan:

Ang pinakamasamáng kasalanan noón na may pinakamabigát na parusa ay katamarán. M6

Hindî kapaní-paniwalang ganitó itinalâ ang mga batás noón. Malî rin ang pangungusap na itó dahil may mga binanggít sa Maragtás na ibá pang mga kasalanang ang parusa ay kamatayan. Sa kabilâ nitó, may ibáng mga mánunulát na tila winaláng bahalŕ ang kahiná-hinalang paglálarawan. Sa halíp ay tinipon nilá ang mga itó, tinawag na “Code of Maragtas” at saká ipinahayag na itóng “code” ay umiral noóng taóng 1212!

Lalong napagtibay ang mga malíng akalŕ tungkól sa Maragtás nang sabihin ng batikáng mánanalaysáy na si Dr. Henry Otley Beyer na itó ay isáng kasulatang prehispanic. Sa Philippine Saga na isinulat nilá ni Jaime C. de Veyra noóng 1947, binanggít niyá isáng kasulatan galing sa Panay na tinatawag na Maragtás “at ang antigong pagkákasulat ng orihinál nitó”.M7 At sa kaniyáng Outline Review of Philippine Archaeology ng 1949 isinulat niyá ang sumúsunód:

Kapansín-pansín ang lumang kasulatang kilala bilang "Maragtás,” na marahil ay mulâ sa mga taóng 1225, na  inalagaan sa Panáy at isinalin sa romanong [sulat sa wikang] Bisayŕ noóng simulâ pa lamang ng panahón ng Kastilŕ. M8

Tinanggáp tulóy ng ibá pang mga mánanalaysáy itóng mga malíng akalŕ nang waláng katanúng-tanóng at inuulit pa rin ang mga itó ng maraming gurň nang waláng álinlangan hanggáng ngayón.

Noóng 1957, isinulat ng anthropologist na si Tom Harrison ang paunang salitâ sa isá pang salin ng Maragtás na ginawâ ni Manuel L. Carreon. Doón ay hindî niyá tinawag na may-akdâ ng Maragtás si Monteclaro kundî isáng tagasalin lamang ng isáng lumang alamát ng Filipinas. M9

Ang Confederation of Madya-as

Isinalaysáy rin ni Monteclaro sa Maragtás ang pagbuô ng Confederation of Madya-as sa Panáy sa ilalim ni Datu Sumakwel at ang mga detalye ng saligáng-batás nitó. Bagamá’t ma-detalye ang ginawáng paglálarawan ni Monteclaro sa lumang saligáng-batás, at sa kabilâ ng kahalagahan nitó sa kasaysayan, mapupunáng ni walâ siyáng binanggít na pinagmulán ng kuwentong itó. Ang Confederation of Madya-as ay sa aklát ni Monteclaro lamang matatagpuán. Hindî itó naitalâ sa ibáng kasulatan at hindî rin itó kasama sa mga alamát ng mga tribo sa Panáy na hindî nasakop ng mga Kastilŕ.

Ang Code of Maragtás

Bagamá’t inilarawan ni Monteclaro ang mga ugalě at mga pátakarán ng pámayanán nina Sumakwel, walâ siyáng tinukoy na Code of Sumakwel o Code of Maragtás. Sa totoó lang, ang Maragtás ay pamagát lamang ng kaniyáng aklát at ang ibig sabihin nitó ay “kasaysayan”. Samakatuwíd, sadyáng kahiná-hinalŕ ang anumáng kuwento tungkól sa isáng Code of Maragtás na di-umanó’y umiral noóng unang panahón bago isinulat ni Monteclaro ang kaniyáng aklát.

Kung susuriin ang nakaraán, ang Code of Maragtas ay unang lumitáw sa isáng lathalaín ni Guillermo Santiago-Cuino noóng 1938 na El Código de Maragtas. M10 Sinabi niyáng ang mga batás na itó ay pinairal sa taóng 1212 at di-umanó’y isinalin niyá itó mulâ sa “antigong sulat ng Filipinas”. Nátuklasán daw niyá itóng mga lumang kasulatan sa mga bundók sa Madya-as at noón ay kasama raw niyá ang isáng obispo na si Gabriel Reyes. Subalit nang si Reyes ay tanungín tungkól dito ng kaniyáng kamag-anak na si Jaime de Veyra ng National Language Institute, sinabi ni Reyes na hindî niyá kilala si Santiago-Cuino at hindî siyá kailanmán nagpuntá sa bundók Madya-as. Kaugnáy pa rin nitó, hindî ipinakita ni Santiago-Cuino kaninuman ang orihinál ng mga lumang kasulatan at walâ rin siyáng naipakitang kapaní-paniwalang katibayan para sa kaniyáng sanaysáy.

Malamáng na ang pinagkunan ni Cuino ng petsa para sa Code of Maragtás ay isáng gawâ ni Josué Soncuya, ang Historia prehispana de Filipinas (1917). M11 Taóng 1212 ang petsang ibinigáy ni Soncuya para sa pagdayo ng sampúng datu. Ibinatay niyá itó sa hindî nailathalang dalawáng kasulatan mulâ sa Mambusao, Capiz at Bugasong, Antique na hindî kinikilalang prehispanic ng sinumáng mánanalaysáy. Sa katotohanan, ang dalawáng kasulatang itó ay waláng tagláy na petsa ngunit kinailangang lagyán ng petsa ng mga gurong pampáaralán na sumulat ng mga kasaysayan ng kaní-kaniláng bayan para sa National Library noóng 1911. Bukód dito, hindî maáasahan ang pagkakalkulá ni Soncuya. Halimbawŕ, sa kaniyáng tantiyá, ang taóng 1212 ay 16 na salinlahě mulâ sa taóng 1160. Madalíng makitang hindî máaaring magíng ganoón karami ang salinlahě ng tao sa loób ng 52 taón lamang.

Ang Hatol sa Maragtás

Itinuwíd ni William Henry Scott ang pagkilala sa Maragtás bilang isáng aklát ng mga alamát at hindî katotohanan noóng 1968. Sa kaniyáng doctoral dissertation sa University of Santo Tomás, nagsagawâ si Scott ng isáng nápakaingat at masusing pagsisiyasat sa lahát ng pinanggalingan ng mga kaalamán tungkól sa Filipinas noóng panahón bago dumatíng ang mga Kastilŕ.

Hindî kinopya ni Scott ang gawâ ng ibáng mga mánanalaysáy. Sa halíp ay sinurě niyá ang mga orihinál na kasulatan at hinanap niyá sa maraming aklatan at museo sa buóng daigdíg ang mga bagay-bagay at kasulatang máaaring makapagpatibay sa mga itó. Tinanóng niyá ang mga batikáng mánanalaysáy tungkól sa pinagkunan ng kaniláng kaalamán. Sumangguně siyá sa maraming dalubhasŕ sa ibá’t ibáng larangan tulad ng wikŕ, geology, archaeology, at anthropology. Sinaliksík niyá ang malawak na koleksiyón ng mga bagay-bagay at kasulatang kaugnáy ng panahóng prehispanic na tinipon ng kaniyáng kaibigang si Dr. H. Otley Beyer. Kinapanayám niyá ang mga kaibigan, kakilala at kamag-anak ng mga taong tulad nina Pedro Monteclaro at Jose E. Marco na unang “nagbunyág” ng mga lumang kasaysayan at sinurě rin niyá ang kaniláng mga liham.

Napatunayan sa dissertation ni William Henry Scott na ang Maragtás at ang Confederation of Mady-as ay hindî mga tunay na lumang kasulatan mulâ sa unang panahón kundî mga alamát lamang na tinipon, at sa iláng kaso ay máaaring gawá-gawâ lamang, ni Pedro Monteclaro na inilathalŕ noóng 1907 sa kaniyáng aklát na ang pamagát ay Maragtás. Samantala, ang Maragtás Code namán ay isáng katháng isip lamang ni Guillermo Cuino na isinulat niyá noóng taóng 1938. Malamáng na ibinatay niyá itó sa aklát ni Monteclaro.

Matagumpáy ang pagtatangól ni Scott sa kaniyáng dissertation sa haráp ng isáng lupon ng mga batikáng Filipinong mánanalaysáy na dati’y sumang-ayon sa mga dî totoóng bahagi ng kasaysayan ng Filipinas.  Ang lupong tagahatol ay binuô nina Teodoro Agoncilllo, Horacio de la Costa, Marcelino Forondo, Mercedes Grau Santamaria, Nicholas Zafra at Gregorio Zaide. Inilathalŕ ang kinálabasán ng masusing pagsisiyasat ni Scott sa kaniyáng Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History noóng 1968 at magpahanggáng ngayón hindî itó pinabulaanan ng sinumáng mánanalaysáy. M12

Ang Bunga ng mga Nátuklasán ni Scott

Sa pagpasok ng dekadang 1960, pinag-álinlanganan na ng mga pangunahing dalubhasŕ ang Maragtás kayâ hindî na nilá binanggít ang naturang aklát sa kaniláng mga akdâ. Pinatunayan ng sanaysáy ni Scott na may katotohanan ang kaniláng mga hinalŕ. Subalit maraming taón pa ang lumipas bago nápansín ng mga mánunulát ng mga aklát pampáaralán ang mga ibinunyág ni Scott. Karamihan sa kanilá ay ipinagpatuloy ang paglilimbág ng dati niláng mga aklát. May ibá namáng sumulat ng mga bagong aklát na tagláy pa rin ang mga kamálian. Náritó ang isáng halimbawŕ mulâ sa Ang Pagsulong ng Payamanan (1981):

Ang Kodigo ni Maragtas ang pangunahing halimbawa ng isinulat na batas at itinuring na pinakamatanda dahil ito ay umiiral noon pang 1250. M13

Bukód sa kamálian ng pahayag na itó, tila inakalŕ pa ng mga may-akdâ na ang Maragtás ay isáng tao at hindî isáng aklát.

Ginamit ni Jose Villa Panganiban ang Maragtas upang tuntunín ang pinagmulán ng wikang Tagalog sa paunang salitâ ng napakapopulár na English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English noóng 1965. M14 Magpahanggáng ngayón ay hindî pa itó iniwawastô sa kabilâ ng maraming panibagong limbág.

May isáng kasapě sa lupong tagahatol sa dissertation ni Scott na tila hindî nagmadalíng ituwíd ang mga kamáliang nasa talaan ng kasaysayan. Ginamit pa rin ni Gregorio Zaide ang mga dating kaalamán galing sa Maragtás sa mga akdâ, tulad ng Pageant of Philippine History noóng 1979, History of the Republic of the Philippines sa taóng 1983 at Philippine History sa 1984 na isinulat nilá ni Sonia Zaide, ang kaniyáng anák. M15

Nagsikap ang iláng mánanalaysáy upang iwastô ang mga kamalián ng nakaraán ngunit masasabing nagkámalî rin silá nang sabihin niláng ang Maragtás ay isá sa mga panlilinláng sa kasaysayan ng Filipinas at hindî isáng alamát lamang. Noóng ginawa ni Sonia Zaide ang panibagong labás ng History of the Republic of the Philippines sa taóng 1987, inilarawan niyáng malî ang Maragtás dahil itó aniyá ay isáng huwád na kasulatan:

Ang mga alamat na may kaugnayan sa paninirahan sa Pilipinas ng mga nandayuhang Malay ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng ati-atihan at ginawang kuwento sa mga huwad na dokumentong naglalaman sa Maragtas at sa kodigo ni Kalantiaw. M16F

Nilinaw ni Zaide ang kaniyáng palagáy sa kasunód na páhina:

Bagama’t dati nang tinatanggap ng ilang mananalaysay, kabilang ang mga kasalukuyang awtor, naging maliwanag na ang Maragtas ay likhang-isip lamang ni Pedro A. Monteclaro, isang Bisayang pinunong bayan at makata, sa Iloilo noóng 1907. Ibinatay niya ito sa mga katutubong kaugalian at mga alamat, na isinalin sa mga sumusunod na salinlahi nang pasalita. M17F

Hindî makatarungang hatulan si Pedro Monteclaro bilang isáng manlilinláng o na sabihing huwád ang kaniyáng aklát dahil malinaw ang kaniyáng pahayag na ang Maragtás ay waláng ibá kundî isáng aklát ng mga alamát. Kung may panlilinláng kaugnay sa aklát na itó, itó ay ginawa ng ibáng mga manunulat na nagpahayag na itó ay isáng tunay na kasulatan mulâ sa unang panahón.

Send E-Mail to Paul Morrow
1998 Paul Morrow
Latest revision: 4 April, 2004

Pahabol

Makikita sa mga web site na itinalâ sa ibabâ na laganap pa rin ang mga malíng akalŕ hinggíl sa Maragtas kahit sa mga pinakamataás na samahan ng lipunan:

Dalawin ang AklanWeb para sa karagdagáng káalamán tungkól sa totoóng kasaysayan ng Aklán at Bisaya.

Mga Pinagsanggunian

Ang pangunahing pinagkunan ng kaalamán sa lathalaíng itó, patí ng ilán sa mga sinipě mulâ sa ibá pang akdâ, ay Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History (revised edition, 1984) ni W.H. Scott. Makikita ang pinagkunan ng bawat sipě kung iki-klik ang mga M# link.

Ang larawan sa itaás ng sanaysay na itó ay galing sa Ang Pagsulong ng Pamayanan (unang labas, 1981, p.174) nina F.T. Leogardo, R.R. de Leon & P. Jacob. Hindî binanggít doón ang pangalan ng gumuhit ng larawan.

Ibá pang pinagsanggunian:

  • AklanWeb, http://aklanweb.tripod.com/ati.htm
  • Alip, Eufronio M. Political and Cultural History of the Philippines, revised edition, 1954.
  • English, Leo James. English-Tagalog Dictionary, 1965.
  • Leogardo, Felicitas T., Rosalina R. de Leon & Purification Jacob. Ang Pagsulong ng Pamayanan, first edition, 1981.
  • Scott, William Henry. Looking for the Prehispanic Filipino, 1992.
  • Zaide, Gregorio F. The Pageant of Philippine History vol. 1, 1979.
  • Zaide, Gregorio F. & Sonia M. Zaide. Philippine History, corrected edition, 1987.
  • Zaide, Gregorio F. & Sonia M. Zaide. History of the Republic of the Philippines, revised edition, 1987.
  • Zaide, Gregorio F. & Sonia M. Zaide. Kasaysayan ng Republika ng Pilipinas, 1989.

 

UWΠ    ITAÁS