IBA PANG PAHINA HINGGIL SA WIKA

Canadian Spelling
Filipino Pronunciation
Ang Pinagmulan ng mga Wika ng Filipinas
Ang Sabi ni Shakespeare
Mga Salitang Siyokoy
Sa Madaling Sabi

UWIAN

Filipino@bp.
Mga Sagót sa inyóng mga tanóng at 
sarisaring káalamán tungkól sa wikang Filipino

Bundók - Boondocks?

Anó ang kakaibá sa salitáng bundók

Sa dami ng salitáng hiníhirám ng wikang Filipino mulâ sa ibá pang mga wikà, ang salitáng bundók ay isáng salitáng hinirám namán ng wikang Inglés mulâ sa wikang Pinóy. Kilala natin itó bilang boondocks. Ganitó ang talâ sa Canadian Oxford Dictionary:

boondocks...n. N Amer. informal rough or isolated country; backwoods. [Tagalog bundok mountain]

Bukód sa payák na kahulugán ng bundók bilang mataás na lupà, alám nating may karagdagang kahulugán din itó kung sasabihin nating, "Para siyáng tagabundók!" Gustuhín man o hindî, itó ay nangángahulugáng hindî "sibilisado", hindî "disente" o waláng "class" ang ganitóng tao. Isáng promdi, ’ikà ngâ. 

Ganitó ang ibig sabihin ng bundók nang mátutuhan itó ng mga Amerikano noóng ikalawáng digmaang pandaigdíg. Sa kaniláng pagkaintindí, ang salitáng bundók ay tumútukoy sa anumáng liblíb na lugár na malayò sa kabihasnán. Inampón nilá ang salitâ at itó ang nagíng katagáng Inglés na boondocks

Noóng dekada 1950’s lumitáw ang salitáng boondockers. Itó ang tawag sa mga matitibay na sapatos o botas na pang-hiking. Malamáng na pinagmulán itó ng taták ng mga pantalon na Dockers na ngayón ay usung-uso. Marahil ay nakariníg na kayó ng salitáng boondocks sa isáng Canadian: 

She works in the city but she lives way out in the boondocks (or boonies).

Sa wikang Inglés, walâ itóng himig pang-iinsulto. Kayâ, kapág nakariníg kayó ng salitáng boondocks sa isáng taong hindî Filipino, sabihin ninyó sa kaniyá, "Hey, you’re speaking my language!" At laging ipagmalakí ang wikang Filipino.
 



Alám ba ninyó na ang mga salitáng bansá, gurò at katárungan ay hindî taál na wikang Tagalog? Naisama ang mga itó sa wikang Pilipino noóng bandáng 1940’s dahil sa pantás-wikang si Eusebio T. Daluz. Kinuha niyá ang bansá at gurò sa wikang Maláy bilang kapalít ng mga salitáng Kastilang nacion at maestra o maestro; at ang katárungan namán ay hinangò niyá sa mga wikà ng Bisayà bilang kapalít ng Kastilang justicia. Ito’y dahil waláng katumbás sa Tagalog ang mga naturang salitáng Kastilà.

Bansá

Sa Malaysia, ang kahulugán ng bangsa ay lahì o urì. Sa Indonesia namán, mas malapit ang katuturán nitó sa kahulugán ng bansá sa wikang Filipino.

Gurò

Ang kahulugán ng ating salitáng gurò ay katulad ng guru sa mga wikà ng Malaysia at Indonesia. May ugát ang guru sa sinaunang wikang Sanskrit ng India at kinikilala rin itó sa wikang Inglés.

Katárungan

Ang salitáng ugát ng katárungan ay tarong na may kahulugáng tuwíd sa wikang Cebuano (o tarung sa Hiligaynon; katwiran). Ang ibig sabihin ng katarong ay mabaít o may mabuting asal. Mayroón ding taróng sa Tagalog ngunit ang ibig sabihin nitó ay unawà. Bihirang ginagamit itó at malayu-layò na ang kahulugán nitó sa kahulugán ng katárungan.

Ang tatlóng salitáng itó ay magagandáng halimbawà ng ginawang pagpapaunlád ng isáng wikà dahil bagama’t nápansín ni Daluz na may pagkukulang ang wikang pambansá, hindî siyá agád-agád humanap ng bagong salitâ sa isáng wikang banyagà. Sa halíp, binalingan muna niyá ang isáng wikang kapatíd ng Tagalog: ang wikang Cebuano o Sugbuhanon. Humanap din siyá ng mga salitâ sa ináng wikà ng lahát ng wikà sa Filipinas, ang Maláy.

Mayroón ding mga salitáng sadyáng hinirám mulâ sa ibá pang mga wikà sa Filipinas na hindî naipasok sa pang-araw-araw na wikà ng madláng tao.

Lunán

Iminungkahì ni Isidro Abad, isáng kagawad ng dating Surián ng Wikang Pambansá (na ngayón ay Komisyon sa Wikang Filipino) na hiramín ang salitáng lunâ mulâ sa kaniyáng ináng wikang Cebuano (Sugbuhanon) upang palitán ang salitáng Kastilang lugár na hindî laging maitutumbás ng salitáng poók. Hinulapian itó ni Abad ng –an para magíng lunaán at saká pinaiksî itó hanggáng sa magíng lunán. Nátanggáp ng Surián ang bagong salitâ at naisama rin itó sa mga diksiyunaryo o talásalitaan subalit hindî itó nag-click sa masa. Ngayón, matatagpuan ang salitáng lunán sa larangan ng balarilà lamang.

Taknâ

Nagmungkahì ang isá pang kagawad ng Surián na si Dr. Felix R. Salas ng pamalít sa salitáng Kastilang oras. Itó ang salitáng takna mulâ sa mga wikà ng Bisayas. Subalit hindî itó nátanggáp ng S.W.P. sa dahilán lamang na máipag-kakámalî ang tunóg nitó sa salitáng Tagalog na takdâ, lalò na kung magkakasama ang dalawáng salitâ sa takdáng taknâ kung ibig sabihing takdáng oras.

Agturay

Ikinuwento ng batikáng pantás-wikang si Lope K. Santos sa kaniyáng aklát na “Makábagong” Balarilà? ang mungkahì ng isáng kasapi ng dating Samahán ng mga Mánanagalóg noóng panahóng 1920’s o 1930’s. Nais nitóng kasaping nagngangalang Fenoy, na gamitin sa Tagalog ang salitáng agturay bilang katumbás ng gobernadór at pantawag sa ibá pang matataás na katungkulan. Sa wikang Iloko, ang kahulugán ng agturáy ay pinunò o mamahalà. Ngunit napansín ng ilán na ang tunóg ng salitâ ay malapit sa katuray kayâ, hindî rin nagwagí ang mungkahì ni Fenoy.


Anó ang kahulugán at halimbawà ng "sáwikaín" at "sálawikaín"?

Pareho ang kahulugán ng sáwikaín at sálawikaín. Kung may kaibahán sa dalawá, ganitó ang aking palagáy.

Ang sálawikaín ay isáng pangkaraniwang kasabihán, kawikaán o bukambibíg ng madlâ. Ito ang tinatawag na idiom o idiomatic expression sa Ingles. Ang kahulugán ng mga itó ay hindî makikita sa mga salitâ lamang. Gayón pa man, nauunawaan nating lahát.

Halimbawà, kahoy lamang ang talagáng sinisibák ngunit ibá ang ibig sabihin kung tayo ay sisibakín sa trabaho. O kung may bumanggít sa isáng "kalapating mababà ang lipád", alám nating hindî ibon ang pinag-uusapan kundî isáng prostitute.

Ang sáwikaín namán ay mas mahabà at mas makahulugán. Ang tawag dito ay saying, proverb, adage o maxim sa Ingles. Napakarami ang mga itó. Heto ang isáng halimbawà: "Ang hindî lumingón sa pinanggalingan ay hindî makararatíng sa patutunguhan."

Sa Ingles, magkaibá ang mga kahulugán ng idiomatic expression at proverb. Sa Filipino namán, hindî malinaw ang kaibahán sa sáwikaín at sálawikaín. Ang dalawáng salitâ ay kapuwâ may dalawáng kahulugáng nábanggít. Kayâ, hindî ka magkakamalî, kahit alín sa dalawáng salitâ ang iyóng gamitin.


Banyaga-isasyón" ng wikang Filipino

May nagtanóng kung anó ang kahulugán at kung anó ang katumbás sa wikang Filipino ng iláng salitáng nagwawakás na may ...isasyón sa dulò. Mayroóng panlapì o affix sa Filipino na bagay na bagay bilang ipampalít sa Kastilang suffix na ...ización o ...ization namán sa Inglés. Sa Filipino itó ay pagsasa...Sa tingín ko, itó ay mas madalíng maintindihán ng karamihan. At hindî itó "tongue twister" sa mga katulad ko gaya ng ...isasyón. (Dahil ang unang wikà ko ay Inglés at nahihirapan akó rito. Laging gustóng lumabás sa aking bibíg ang tunóg ng "z" at "sh" sa halíp ng tunóg ng "s".) Náritó ang ilán sa ganitóng uring salitâ.

Modernisasyón

Itó ang pagsasagawâ ng pagbabago upang  magíng moderno o makabago ang isáng bagay, lunán o tao. Sa iisáng salitáng Filipino lamang itó ay pagsasamakabago. Walâ pa yatà itó sa mga talásalitâan ngunit ang palagáy ko ay madalíng maunawaan itó kayâ, bakit hindî natin gamitin itó? Marami namáng wikà ang nagkakaroón ng mga bagong salitâ na may bagong kahulugán sa pamamagitan ng pagdugtúng-dugtóng ng mga dating salitâ at mga panlapì. Hindî kailangang laging kumuhà ng bagong salitâ sa mga wikang banyagà.

Istandardisasyón

Itó ang pagsasagawâ ng plano, pamamaraán, pátakarán o batás upang magkaroón ng isáng pamantayan. Sa iisáng salitâ lamang: pagsasapamantayan.

Ang ibig sabihin namán ng pamantayan ay isáng kasunduang pangkalahatan ukol sa antás, kahusayan, hugis, atbp. ng isáng bagay. Halimbawà, noóng taóng 1868, nang itayó ang unang traffic light sa London, England, may mga taong nagpasiyá at nagkasundô na ang magiging kahulugán ng isáng ilaw na pulá sa kalsada ay dapat humintô ang mga sasakyán. Hanggáng ngayón, saanmán sa daigdíg, itó na ang pamantayan na alám nating lahat: ang "red light means stop" (at hindî blue light, green light, white light o polka dot light!)

Intelektuwalisasyón

Hindî ko kilala ang salitáng itó noón, magíng sa sarili kong wikà, hanggáng nabasa ko itó sa mga pitak at aklát tungkól sa wikang pambansá ng Filipinas. Alám kong ang ibig sabihin ng intellectual ay pangkaisipán o dî kayá'y isáng taong marunong. Kung ang pananáw o mga palagáy natin sa isáng bagay ay nakabatay sa ating kaisipán at hindî nagmumulâ sa ating damdamin, ang tawag dito ay intellectual. Halimbawà, kung "i-intellectual-IZE" natin ang kagandahan ng isáng babae, ang ibig sabihin ay pahahalagahán natin ang kaniyáng gandá batay sa mga pamantayan ng kagandahan at hindî batay sa ating damdamin sa pusò.

Kayâ kapág sinasabi ng mga di-umanó'y intellectual na ang kailangan ng wikang Filipino ay intelektwalisasyón, malamáng na ang ibig niláng sabihin ay kailangang itaás ang antás ng wikang Filipino upang magamit natin itó sa mga larangan ng kaisipán tulad ng aghám (science), panggagamót, sining, teknolohiya atbp. Ang aking mungkahì ay gamitin natin dito ang salitáng pagsasapangkaisipán. Alám kong napakahabà nitó ngunit waláng karapatáng umangal ang sinumáng mahilig gumamit ng mahahabang salitáng tulad ng intelektuwalisasyón!

At iba pa...

Polyglot: Ang kahulugán nitó ay maraming wikà o isáng taong maraming wikà ang alám. Ang Filipinas ay isáng polyglot na bansá. Si Jose Rizal ay naging isáng polyglot din. Itó ay mulâ sa Greek: poly = marami, glotta = dilà. Sa Filipino ito ay ...eh...ewan ko. ...Sorry. May mungkahì ba kayó para dito? Ipadalá ninyó sa sarisari@mts.net


UWIAN     ITAAS