Sa Madalíng Sabi... - Simply Said English idioms explained in Filipino.
Mga kawikaíng Inglés na isinalin at ipinaliwanag sa wikang Filipino
English idioms translated and explained in Filipino
 

Paul Morrow

Ni Paul Morrow ©   
   

MGA NILALAMÁN

Apple of your eye
Break a leg
By the skin of the teeth
Carpetbagger
Clean as a Whistle
Cold Turkey
Cut off your nose
  to spite your face
Devil and the deep blue sea



From the horse’s mouth
Hahabà ang ilóng kung
   magsisinungaling
Hit the roof
Pork Barrel
Red letter day
Son of a gun
Sour grapes

IBA PANG PAHINA
HINGGIL SA WIKA

Canadian Spelling

Filipino@bp.
Filipino Pronunciation
Ang Pinagmulan ng mga
  Wika ng Filipinas
Ang Sabi ni Shakespeare
Mga Salitang Siyokoy

UWIAN


Hiyás Magazine, July-August, 2000 Vol. 3 No.13

Magsisimulâ tayo sa dalawáng kasabihán na itinanóng sa atin sa pamamagitan ng email ni "mirmarj". Gustó niyáng malaman kung anó ang pinagmulán ng by the skin of the teeth at carpetbagger.

By the skin of the teeth
Sa balát ng ngipin

Malamáng na galing sa Lumang Tipán ng Bibliyá ang kasabiháng itó ngunit malakí na ang ipinagbago ng kahulugán nitó mulâ noón. Noóng si Job ay nawalán ng lahát at halos máwasák na ang kaniyáng pagkatao, sinabi niyá,

I am nothing but skin and bones; I have escaped with only the skin of my teeth. (Job 19:20)

Ang ibig niyáng sabihin ay walâ nang natira sa kaniyáng kayamanan sa daigdíg kundî ang balát sa kaniyáng ngipin.

Ginagamit pa rin natin ang kasabiháng by the skin of the teeth (hindî na with the skin of the teeth) ngunit ang kahulugán nitó ay patungkól sa pangyayaring kamuntík nang mápahamak. Kung iisipin natin, kung may balát ngâ ang ngipin, itó ay totoóng napakanipís. At kung sasabihin natin, we escaped by the skin of our teeth, ang ibig sabihin ay halos kasíng-nipís lamang ng balat ng ngipin ang naging pagitan natin mulâ sa kapahamakán (o kabiguan) nang tayo’y makaligtás.

The score was tied until the end of the game even though the other team had many more chances to win; but in the over-time period, we got a lucky goal and we won by the skin of our teeth.

Carpetbagger

Mga Carpetbagger ang tawag sa mga pulitikóng dumarayo o nakikialám sa pulitiká sa isáng lugár na hindî namán kaniláng tinitirhán o sinilangan. Silá’y mga oportunista para sa sariling kapakinabangán lamang. Ang katagáng itó ay unang ginamit sa Estados Unidos pagkatapos ng kaniláng Civil War noóng 1865. Noóng panahóng iyón, ang carpetbag ay isáng maleta na gawâ sa tela ng karpet. Itó ang dalá ng mga taga-hilagà (north) na naglakbáy at lumipat sa timog (south) upang samantalahín ang mga oportunidád sa negosyo pagkatapos ng digmaan. Marami sa kanilá ay nakilahók sa pulitiká roón at nahalál sa puwesto dahil sinuportahan silá ng mga pinalayang itím. Ikinagalit itó ng mga taga-timog kung kayâ silá’y binansagáng mga carpetbagger bilang paglait.

Some of Hillary Rodham Clinton’s detractors have called her a carpetbagger because of her bid to win a seat in the Senate in the state of New York, where she has only recently become a resident.

Pork Barrel
Baríles ng Karné ng Baboy

Sa larangan pa rin ng pulitiká: ang pinagmulán ng pariralang pork barrel ay malapit sa pinanggalingan ng carpetbagger. Ang pork barrel ay salapî ng pámahalán na ginagamit ng isáng pulitikó para sa mga proyekto sa kaniyáng purók upang bumangó ang kaniyáng pangalan at maihalál siyáng mulî. Kadalasan ang mga proyektong itó ay hindî naman kailangan sa kaniyáng purók at ang pera ay ibinubulsá lamang niya at ng kaniyáng mga alipores o crony.

Malamáng na nanggaling ang katagáng pork barrel sa panahón bago pa ng Civil War sa U.S. Noón ay nagpapamudmód ng inasnáng baboy mula mga naglalakihang bariles para sa mga aliping itim. Kadalasan, ang mga bariles ng inasnang baboy ay pinagkakaguluhan ng mga aliping nagdaragsaán at nag-aagawan upang makakuha ng mas marami para sa sarili.

Cold Turkey
Malamíg na Pabo

Nakariníg ba kayó ng isáng taong nagsabing, "I tried to quit smoking `cold turkey’ but it didn’t work," o "She gave up fatty foods `cold turkey’, and she has stayed slim ever since?"

Alám na nating ang ibig sabihin ng quit cold turkey ay itigil ang isáng bisyo nang biglaan sa halíp nang untí-untî. Subalit anó ba ang kaugnayan nitó sa isáng malamíg na pabo?

Sa totoó lang, ang kasabiháng itó ay unang ginamit para sa mga taong lulóng sa droga o drug addict. Kapág ang isáng taong gumón sa droga ay bigláng humintô sa paggamit ng droga, siyá ay nagkakasakít. Manginginíg ang buóng katawán, lalagnatín, pagpapawisan at makakaramdám ng matindíng sakít, init at gináw. Kasabáy nitó ay ang pangingilabot ng kaniyáng balát.

Ang kilabot sa balát ay madalás na inihahambíng sa balát ng isáng manók, pabo o gansá kapág hinihimulmulán itó. Sa Inglés ang tawag sa kilabot ay goose bumps, goose flesh o goose pimples kayâ madalíng ilarawan sa isip ang itsura ng isáng pabong hinimulmulán at ginigináw kapág tinitingnán ang isáng adik sa nasabing kalagayan. Kayâ kapág itinigil nang biglaan ng isáng tao ang kaniyáng bisyo, sinasabing iyón ay ginawâ niyá nang cold turkey.

Clean as a Whistle
Kasíng Linis ng Isáng Pito

Clean as a whistle. Matagál na akó’y nálilitô sa kasabiháng itó. Sa tingín ko, hindî masasabing malinis ang isáng pito. Sa katotohanan, hindî ba itó ay máaaring isáng pugad ng mga mikrobyo?

Sa aking pagsásaliksík, nalaman kong malî palá ang aking pagkaintindî ng clean as a whistle dahil ang totoóng kasabihán noón ay clear as a whistle. Kayâ ang kasabihán ay hindî tungkól sa kalinisan ng isáng pito kundî tungkól sa kalinawan ng tunóg nitó.

The chairperson’s voice cut through the noise and confusion as clear as a whistle.

Hiyás Magazine, October-November, 1999 Vol. 2 No. 9

Cut off your nose to spite your face
Putulin ang ilóng mo upang masaktán ang mukhâ mo?

Bakit puputulin ng isáng tao ang sarili niyáng ilóng kung ayaw niyá sa sarili niyáng mukhâ? Bakit ngâ ba! May mga taong ganitó ang ginágawâ kapág galít o inggít silá sa kápuwâ tao. Gustó niláng tikisín o masaktán ang ibáng tao kahit na mapipinsalà rin ang kaniláng sarili sa ginágawâ nilá. Iyán ang kahulugán ng kasabiháng Cut off your nose to spite your face. Halimbawà:

The manager really cut off his nose to spite his face when he fired his best worker simply because the employee had another job in the evenings.

Sour grapes
Maaasim na ubas?

Kung sasabihin nating sour grapes lamang ang kilos ng isáng tao, ang ibig nating sabihin ay naíinggít siyá sa tagumpáy ng ibáng tao. Makikita itó sa kaniyáng pamimintás o dî kayâ sa pagbibintáng na dinayá siyá ng kaniyáng katunggalî.

In the last election, one candidate blamed his loss on the recent reorganization of his constituency’s boundaries. However, his opponent won by such a wide margin that it was obvious to all that his statement was mere sour grapes.

Si Aesop ay isáng Griyegong alipin noóng bandáng 600 BC na mahilig magkuwento. Sa isáng kuwento niyá ay may isáng soro o fox na nagtangkáng magnakaw ng masasaráp na ubas. Ngunit kahit anu-anó ang ginawâ niyá ay nabigô siyá sa pagnanakaw. Sa kaniyáng pagkapikón, sinabi niyá, “Eh! Malamáng na mapapaít at sirá na ang mga ubas na iyán!”, at siyá’y umalís.

Hahabà ang ilóng kung magsisinungaling

Patuloy ang ating tema ng mga kuwento at mga ilóng. Malamáng ay náriníg na ninyó na hahabà raw ang ilóng mo kung magsisinungaling ka. Siyempre itó’y birò lamang ngunit hindî alám ng lahát kung saán itó nagsimulâ.

Itó’y galing sa kuwentong Pinocchio (1881) ni Carlo Collodi tungkól sa isáng buháy na manyikà na may ilóng na hahabà tuwíng magsinungaling siyá. Carlo Collodi ang sagisag-panulat ni Carlo Lorenzini (1826-1890), isáng Italyanong mánunulát at mamamahayág.

Nakilala ng marami si Pinocchio sa pelikula ni Walt Disney noóng taóng 1940. Subalit gaya ng lahát ng cartoon ng “DisneyCorp”, malakí ang kaniláng ginawáng pagbabago sa gawâ ng may-akdâ. Maraming pangyayari ang kinaltás sa kuwento, dinagdagán ng iláng tauhan, at ginawáng mas mababaw ang kuwento.
 

Hiyás Magazine, August-September, 1999 Vol. 2 No. 8


Bakit madalás na sinásabihan ang mga artista o mang-aawit ng break a leg bago silá tumuntóng sa entablado? Dahil ito’y isá sa nápakaraming pamahiín ng mga taong showbiz na nagíng kawikaín o idiom ng madláng tao.

Break a leg
Mabalì sana ang isá mong bintî?

Malas daw kung sasabihing “Good luck” o “Palarin ka sana” sa isáng performer bago siyá magpalabás. Sa halíp nitó, ayon sa pamahiin, ang taong babatì ay dapat magkunwaríng malas ang inaasahan niyáng mangyayari sa palabás ng performer. Kayâ, nagíng uso ang pabiróng sumpáng break a leg o mabalì sana ang isá mong bintî ngunit hindî namán masamâ ang ibig sabihin nitó.

I was confused for a moment before the show when she said to me, “Break a leg!” But then I realized that she was actually wishing me good luck.

The apple of your eye
Ang mansanas ng iyóng matá?

Ang tawag sa pinakamamahál mo ay apple of your eye. Noóng unang panahón, apple ang tawag sa balintatáw o pupil ng matá. Itó ang itím na bilog na nasa kalagitnaan ng ating mga matá. Alikmatá ang isá pang pangalan nitó.

When we were young, my brother was the apple of my mother’s eye.

A red letter day
Isáng araw ng puláng titik?

Red letter day ang tawag sa isáng mahalagá o masayáng araw. Marahil, náriníg ninyó itó sa awiting “A Whole New World”: …every moment red letter… Nagmulâ ang pariralang red letter day sa mga kalendaryo. Doón ay nakatalâ sa kulay pulá ang mga pistá at ang mga araw ng mga santa at santo.

It was a red letter day when Marcos fled the Philippines

Son of a gun
Anák ng baríl?

Son of a gun ay isáng pariralang binubulalás natin kapág may nangyaring kakaibá na nakagugulat o dî kayá’y nakaíinís. Álalaóng bagá, itó’y isáng magaáng sumpâ o pagtutungayaw.

Paminsan-minsan itó rin ang tawag sa isáng malakás o matipunong lalaki. Subalit hindî ganitóng kainosente ang son of a gun noóng mga taóng 1700’s dahil ang ibig sabihin nitó ay anák sa labás. Noóng naturang panahón, karamihan ng mga babaeng pinayagang manirahan sa mga barkó ay sadyáng mga pakawalâ o kung hindî namá’y, silá ay mga sawimpalad na babaeng dinukot at sapilitang ginawáng prostitute. May isáng babae umanó para sa bawat anim na lalaki sa mga barkó noón. Marami sa kanilá ay nabuntís at nanganák habang naglalayág.

Itó’y naging problema kapág may digmaan, kayâ nakaisip ng isáng paraán ng induced labour ang mga manggagamot sa mga barkó. Ang buntís ay inilálagáy sa malapit sa isáng lantakà (kanyón) at itó’y pinápuputók. Ináasahang mapapadalî ang panganganák  ng babae dahil sa kaniyáng pagkasindák at pagkagulat.

May ibá pang salaysáy na mas malupít. Ang mga buntís na babae ay itinalì umanó mismo sa lantakà  upang padaliín ang panganganák o kung hindî pa panahón, upang ipalaglág ang sanggól. Kadalasan ay namamatáy ang batà patí ang iná sa ganitóng paraán.

Anumán ang dahilán, kung nabuhay pa rin ang sanggól sa kabilâ ng mga pagpapahirap sa iná, siyá ay binabansagáng isáng son of a gun.
 

Hiyás Magazine, June-July, 1999 Vol. 2 No. 7


Ngayóng buwáng itó, sisimulán natin ang isáng bagong pitak na náuukol sa inyóng mga katanungan tungkól sa mga salitâ, kasabihán o pananalitáng Inglés, Pilipino at ibá pa. Nárito ang paliwanag sa iláng kawikaíng Inglés o idiomatic expressions.

Between the devil and the deep blue sea
Nasa pagitan ng demonyo at ng malalim at bugháw na dagat?

Kung walâ kang makitang lusót sa isáng mahirap o magulóng kalagayan maskí saán ka bumaling o kahit anumán ang gawín mo, ikáw ay between the devil and the deep blue sea.

Subalit ang devil sa kasabiháng itó ay hindî yaóng galing sa impiyerno. Sa totoó lang, may kaugnayan itó sa mga sasakyándagat noóng unang panahón. Sa mga barkó noón, devil ang tawag sa siwang sa dalawáng tabláng malapit sa tubig at mahirap abutín. Ang magdaragát na may tungkuling kumpunihín itó ay nalálagáy sa panganib na mahulog sa dagat. 

Premier Filmon is really between the devil and the deep blue sea. If he admits that he knew about the government scandal, he will be proven to be a liar, but if he claims that he was unaware of it, he will seem to be an incompetent leader.

Hit the roof
Hampasín ang bubóng?

Ang pariralang (phrase) hit the roof ay tumútukoy sa isáng taong nagagalit. Pumapasok sa isip natin ang isáng taong lumúlundág, pumúputók o dî kayá’y lumílipád gaya ng isáng kuwitis dahil sa matindíng galit hanggáng mauntóg siyá sa bubóng o kísamé.

When Dad sees what happened to the car, he is going to hit the roof!

From the horse’s mouth
Mulâ sa bibíg ng kabayo?

Ang ibig sabihin nitó ay tamà o totoó ang nálalaman mo dahil ikinuwento sa iyó ng taong talagáng nakakaalám o may kinalaman sa pinag-uusapan, kung kayâ, straight from the horse’s mouth

Subalit bakit "bibíg ng kabayo" ang tanóng ninyó? Máaaring ang pinagmulán ng pariralang itó ay ang nakaugaliáng pagtingín sa ngipin ng kabayo upang tantiyahín ang gulang nitó. Mas malamáng na mga kabayong pangarera ang tinutukoy rito. Kung sa tingín ng isáng tao ay liyamado ang isáng kabayo at sigurado siyáng mananalo itó, parang ang kabayo mismo ang siyáng nagsabi sa tao kung gaano siyá kabilís. 

I knew that Martin and Pops broke up because I saw them interviewed by Inday Badiday. So that’s straight from the horse’s mouth!

Hindî nitó ibig sabihing mukháng kabayo si Indáy Badiday.



Kung may katanungan kayó tungkól sa mga kakaibáng Inglés o magíng sa wikang Pilipino, ipadalá itó sa amin at sisikapin naming alamín ang tamang sagót. sarisari@mts.net

UWIAN     ITAAS